Krrruggg...! Krrruggg...!
Nakabibingi ang tunog ng sikmura ko. Masakit na rin ang ulo ko. Totoo nga atang magkaugnay ang utak at ang bituka. Hindi na rin halos pumapasok ng maayos sa isip ko ang mga bagay na inuutos ng boss sa akin. Hindi ko alam bakit hindi na ko makasagot ng maayos.
LUTANG. Ito pala ang pakiramdam ng isang taong nagugutom.
Dalawang instant noodles at anim na pirasong tinapay na pinaghatian ng limang tao para sa hapunan, hanggang anong oras kaya ito tatagal?
"Aaaahh....." Mabuti na lamang ang mainit na likidong dumaloy mula sa aking bibig, dumaan sa aking lalamunan hanggang bumaba sa nagwawala kong sikmura. KAPE. Malaking tulong para sa mga taong walang mailaman sa sikmura. Bigla akong natulala, may kape at asukal pa ba sa bahay. Nag-alala ang kalooban ko at nag-panic ang walang lamang pitaka ko dahil wala ni piso akong naibigay sa aking ina kanina.
Labing dalawang piso, ito na lamang ang laman ng pitaka ko. Namanhid ang isip ko at ako ay natulala.
Hapon na, wala na nga palang kape. Mainit na tubig na lang.
Madilim na sa labas, uwian na naman. Nakakatakot isipin kung ano ang dadatnan ko sa bahay.
"Reys... may one hundred pesos ka ba? Kailangan kasi ng pamasahe ng kapatid ko. Sensya na ah...babalik ko 'pag sweldo".
"Salamat talaga". Sabay abot ng perang kulang ube.
"Kuya, paangkas ako ah, wala kasi kong pamasahe. Salamat." Mabilis ang ginawa kong pagsakay, para hindi na s'ya makatanggi pa. Buti na lang ang bahay nila ay malapit lang sa amin.
"Tao po!"
"Bunso, eto one hundred, kasya na ba 'yan para bukas? Maghapon ba kayo?"
"Ayos na 'yan 'te. Mapagkakasya na 'yan, may magic ang bulsa ko 'di ba?" Kasabay ng isang ngiti.
"Ay ate, wala ang cellphone ko, kinuha muna ng Teacher namin para i-check. Mino-monitor kasi nila baka kung ano na ang meron, at kung ano na ang pinaggagawa namin."
"Baka kung ano ang mahuli sa'yo doon ah."
"Wala naman 'te, good boy na 'ko. Ate, ang "No need" ba eh sentence?"
"Oo, kasi complete thought and meaning na 'yun eh, tulad ng "Run!" o kaya "Fire!""
"Ah..tama ka ah, galing ng Ate ko ah."
Mabuti na lang nag-aaral na ng tunay na aral ang kapatid ko. Hindi mauunawaan ng Teacher Raul n'ya kung bakit tulad ng sabi niya ay mabagal ang learning process ni Bunso. Ito ay dahil hindi naman talaga s'ya nag-aaral mula nuong Elementarya hanggang High School. Madalas na laman ng mga computer shop at kasama ng mga barkada ang bunso namin, kaya kahit para sa kanya ay slow learner si Bunso, para sa'ken isa na s'ya magaling na estudyante.
Para akong isang magulang na pinagbibidahan ng anak tungkol sa kanyang natutunan sa paaralan. Masarap sa pakiramdam. Napawi ang pagal ng aking isip at katawan. Napalitan ng kasiglahan at kagalakan. Ganito pala ang pakiramdam ng isang magulang. Hindi ko na inaalintana kung maghirap pa ako, o magutom. Patuloy kong itataguyod ang pag-aaral ng kapatid ko at ang pangangailangan ng mga magulang ko.
Naalala ko bigla ang isang patalastas sa telebisyon, ang tanong na "Para kanino ka bumabangon?"
Sila, sila ang dahilan ng aking pagbangon. Kahit pagod na akong gumising sa umaga, kahit na wala akong mailaman sa t'yan kung para sa kanila, ipagpapatuloy ko. Sa aking kapatid na nag-aaral, sa aking mga magulang na nasa dapi't hapon na ng kanilang buhay. Walang kapalit, pero ipagpapatuloy ko...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento