Huwebes, Oktubre 31, 2013

Baguio City, Me Time... (Part 2)

MINE'S VIEW PARK.

Like a kid who saw her favorite candy in her most favorite place, what could I ask for?

Ako ay tila ba isang batang kulang na lang may maglulundag sa tuwa ng ganap kong masilayan ang piling pagkakataong hindi pwedeng palitan ng salapi.

Hindi ko na alintana ang katotohanang hindi ko magagawang manatili at magmasid sa viewing deck ng park dahil kasalukuyang isinasaayos ito.
Hindi nasayang ang ginawa kong pagmamadali masilayan lamang ang kagandahang aking natatanaw.

Bahagyang nakakakilig ang lamig ng halik ng hangin sa akin. Masarap sa pakiramdam.
Hindi ko alam kung ano ang itsura ko, pero ang mga manong na nakakakita sa akin ay napapangiti.
Hindi ko na lang pinagtuunan ng pansin.

Matapos mag-recharge ng cellphone at ubusin ang masarap na Hawaiian sandwich ay sumakay ako ng jeep patungo sa The Mansion.

WRIGHT PARK.
Hindi ako naibaba ni kuya sa The Mansion kaya pumara na lang ako sa Wright Park kung saan abot-tanaw ang mga kabayong inihahanda ng kanilang mga amo para sa araw na iyon.

Malamig ang hangin bagama't sumikat na ang haring araw.
Nakakakilig na nakakapangilabot ang halik ng hangin na dumadampi sa akin.
Tanging ibon at kuliglig lamang ang maingay at ang paminsan-minsang daing ng mga nagja-jogging.
Pinili kong umupo sa pusod ng parke at magsulat.
Ngunit gusto kong palayain ang aking isip kaya inihinto ko ang pagsusulat at tumulala.
Ipinikit ko ng marahan ang aking mga mata. Hindi ko naiwasang makiramdam sa mga taong nasa paligid ko, ngunit agad kong sinaway ang sarili ko dahil nais kong lumaya pansamantala sa mga alalahanin.
Mahabang katahimikan......, ngunit hindi sa kahimbingang tulad ng isang natutulog.
Gising na gising pa rin ang aking kamalayan. Idinilat ko ang aking mga mata at naglakad.
Pinagmasdan ang mayabang at matayog na mga puno.
Naglakad pabalik kung saan ako bumaba mula sa jeep at tinalunton ang daan papunta sa Botanical Garden. Masarap maglakad bagama't sikat na ang araw ay hindi pa rin nadadaig ang lamig ng hangin.

BOTANICAL GARDEN.
Naisip kong kunan ng larawan ang mga nakikita ko. Nangiti ako ng makita ko ang rebulto na tinawag namin ni Bunso na "Machete" sa dahilang may kulay na siya, hindi gaya ng ipakilala ko siya kina Mama na kupas na itim ang kulay niya.
Nakatanggap ako ng text messages patungkol sa aking mga responsibilidad. Maraming mga aktibidad na nakalatag at alam kong hindi ko ito dapat ipagwalang bahala.
Mas naisip kong ipakalat ang mensaheng natanggap ko kaya huminto ako at nag-text.
Hindi ko magawang ihakbang ang mga paa ko para maglibot dahil sa isipin kaya minarapat ko na lang na umalis at magtungo sa 50's Diner para kumain.
Ang lugar ay tulad ng nasa mga nababasa kong blog. Wala kong maisip kainin dahil hindi pa rin ako nakararamdam ng gutom.  Pinili ko ng Mama's Kid dahil may libre na itong iced tea at mura. Mataas ang expectation ko sa lasa ng pagkain nila, kaya ng ihain na ang order ko ay... nabitin ako sa lasa.
Inaantok na ako, kaya matapos kong kumain ay naglakad ako. Alam kong malapit lang ang Upstairs Bed and Bath sa lugar kaya nilakad ko na lang.

UPSTAIRS BED AND BATH.
Naisip kong matulog muna ng hapong iyon at gumising kung kailan palubog na ang araw upang mamasdan ang kaniyang kagandahan.
Ngunit nabigo ako, ibinalik ko sa pagkakahiga ang aking katawan. Pinabigyan ko ang pakiusap nyang magpahinga na  muna ako. Hindi ko kailangan pilitin ang sarili ko kaya naman nagkasya na lamang ako sa pagtulala sa bintana.

Maayos ang kama, mabango ang mga sheets at pillow cases.
Ngunit dinig mula sa napili kong kwarto ang tunog ng mga sasakyan sa labas. Medyo mahina ang tubig lalo na sa pag-flush. Kailangan ng tulong ng timba at tabo. Walang pribadong paliguan at palikuran. Ngunit ang shower nila ay may heater.

Umalis ako para maghapunan.

CAFE BY THE RUINS.
Ang isa sa pinakaaabangan tagpo ko... na-miss ko ang Rizal's Tsokolate. Hindi ako binigo sa lasa kaya hindi ko alintana kung magkano ang presyo ng pagkain. Ang sabi nga nila, "Sulit!"
Gusto ko ang ambiance, nakadagdag sa romantikong aura ang kandila sa mesa at mga bulaklak na bagama't hindi na sariwa ay maganda pa rin.

BURNHAM PARK.
Matapos kong kumain ay naglakad-lakad ako sa Burnham Park.
Minasdan ang pagsayaw ng mga tubig sa parke sa saliw ng mga ilaw.
Marami ang mga taong naglisaw at kumukuha ng larawan.
Bagama't nakalulungkot mag-isa masarap pa ring umupo ng tahimik at masdan ang mga ilaw at tanawin.
Ng maulinigan kong nagiging tampulan na ako ng usapan dahil ako ay mag-isa lang ay naisipan kong maglakad tungo sa Harrison Road. Buhay na buhay ang lugar lalo na kung palalim na ang gabi dahil sa mala-pyestang Ukay-Ukay.
Umupo ako kasama ng mga tindera habang humihigop ng mainit na kape.
Nang maubos ko ay napagpasyahan kong bumalik na at matulog.

Kinabukasan, matapos umusal ng panalangin ay nagtungo na ako sa terminal.

Kailangan ko ng umuwi dahil kailangan tumugon ako sa panawagan ng aking mga obligasyon.

Masaya ako bagama't ilang oras lang ay naranasan ko ang ganito.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento