Lunes, Hunyo 10, 2013

Ang Sukli





Hanggang ngayon dama ko pa din ang epekto ng isang linggong paggising ng alas cuatro ng umaga para gisingin ang aming estudyante (lahat kami gising, lahat nagse-set ng alarm 'wag lang mahuli). Kaya heto mula weekend hanggang ngayon tinatamad sa antok.

Kaya maging ang pagpili ng titulo ng aking ibabahagi, "Ang Sukli".
Dito din naman iikot ang kwento kaya minarapat kong eto na lang.

Dahil sa nakakapagod na pagba-back track dahil sa suliraning idinulog ng isa sa aming customer kailangan ng mabusising pagsisiyasat. Isang nakakaubos gana at lakas na paghahagilap at pangangalap ng mga impormasyon. Kaya naman habang sakay ako ng jeep ay tahimik lang ako.

Madalas na pumupwesto ako malapit sa driver, kaya madalas ding ako ang nag-aabot ng bayad ng pasahero sa driver at mga sukli ng pasahero.

Ang lalaki sa picture ay nag-abot ng bente pesos.


Hindi ko alam kung mag-tatay sila pero mas mukhang mag-lolo ang driver at ang kasama nitong bata.

Mahahalata mong ngayon lang sumama ang bata sa pamamasada ng driver dahil sa tuwing magsasabi ang pasahero kung saan baba ay bumubulong ito sa driver na tila nagtatanong.

Iniabot ng bata sa akin ang sukli at iniabot ko sa lalaking nakaputi. Hiyang-hiya kasi ako sa lalaking katabi ko na katapat na katapat ng lalaking nakaputi, dahil masyadong mabigat ang kamay n'ya na umabot ng mga bayad ng kapwa n'ya pasahero.

"Ma, magkano po ba ang pamasahe papuntang Biñan?!", pasigaw na tanong ng lalaking nakaputi.

Bago sumagot ay nagtinginan muna ang driver at ang bata, na sa tingin ko tulad ng iniisip ko ang naisip nila, kulang ang sukling naibigay.

"Trece po ang pa-Biñan", tugon ng driver matapos ang maikling katahimikan.

Medyo naintriga ako sa isasagot ng lalaking nakaputi....

"Eh kasi po sobra ang isinukli", sabay abot sa aking ng apat na pisong barya.

Iniabot ko ito sa bata at muling nagbulungan ang driver at ang bata.

Hindi ko narinig ang salitang "Salamat" o "Thank You" sa dalawa matapos na maibalik ang sobrang sukli.

Bibihira na rin sa mga tao ang maging tapat sa ganitong mga sitwasyon.

Saludo ako kay kuya na ibinalik n'ya ang sukli.

Kaya naisip kong i-post ito, hindi dahil sa nagawan ko ng paraang makunan sila ng hindi gaanong halata, kung hindi marapat lang na maipaalam sa iba na may mga tao pa ring tapat kahit na nasa panahon tayong gipit.

Barya man kung susumahin pero ang katapatan ng taong nagbalik ng sobrang sukli ay hindi matatawaran.

Nagbigay ito ng kahit papaano ay kagaanan sa loob ko, proud ako sa kapwa ko Pilipino.
Sa maliit mang pamamaraan pero naipakita n'yang ang Pilipino ay hindi dorobo.

Salamat po kuya....


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento