Miyerkules, Hunyo 26, 2013

Pahalagahan Mo Ako...

Totoo ang kasabihang "Malalaman mo kung gaano kahalaga ang isang bagay 'pag nawala na 'to".

Para sa akin totoo nga ito...


Hanggang ngayon ay masakit pa rin ang kanang sakong ko.
Nuong isang araw alam ko ayos na s'ya, ngunit dahil sa hindi maiiwasang pagkakataong kailangan kong maglakad ng walang sapin sa paa ay nanakit na naman itong muli.
Hindi na masakit ang kabuuan ng kanang paa ko, tanging ang sakong na lamang.
Masakit s'ya tuwing naglalakad ako at nararamdaman n'ya ang bigat, maging ang mahabang lakarin ay nagdudulot din na pagsakit nito.


Natatandaan ko ang tawag sa'ken ng aming Mudrakels (Mama), "Road Runner". Tinatawag n'ya ko ng ganito kapag magkasabay kaming maglakad dahil lagi na ay nauuna ako at laging mabilis ang mga hakbang.
Marami ang nakakapuna ng ganito sa akin, hindi naman ito lingid sa akin hindi ko na lang pinagtutuunan ng pansin.
Waley din akong kiber maglakad man ng 3km mula sa ofis na nasa gate 2 ng Laguna Technopark hanggang gate 3 kung saan nanduon ang mga pampasaherong mga jeep.
Pakiramdam ko nakakaantok at nakakabagot ang paglakad ng mabagal.
Ang tingin ko sa sarili ko ay nagtatamad kapag mabagal ang lakad na tila ba slow motion.
Para sa aking maraming nasasayang na oras sa paglalakad ng marahan.



Ang mga bagay na nabanggit ang nagbigay sa akin ng malaking problema  ngayong may dinaramdam ang aking kanang sakong.

Ang sabi ni Mudrakels ay inabuso ko daw ang mga paa ko. Kaya Niya tinulot na mangyari sa akin ang ganito eh para matuto akong magdahan-dahan sa paglalakad at iwasan ng abusuhin ang aking katawan.

Hindi ko dinidinig noon ang pakiusap ng mga paang ito tuwing naglalakad ako ng malayo na may mabilis na hakbang, "Hoy! Pwede ba nating bagalan? O kaya magpahinga muna tayo kahit saglit".

Naging bingi ako sa pakiusap nila kaya nga siguro ganito...

Ang isang bagay na nagdulot sa akin ng kalungkutan sa pangyayaring ito ay matagal ko ng hinihintay na Mountain Biking Adventure...
Dapat ay nuong Linggo ito. Matagal kong hinintay at pinaghandaan ito. Pero dahil sa kalagayan ko hindi ako pinayagan ng doktor sa mga ma-pisikal na mga aktibidad.


Dahil sa sanay akong maglakad ng mabilis, pakiramdam ko maraming bagay sanang kong nagagawa pero nasasayang lang ang oras.

Hindi ko magawang makapunta sa mga lugar na gusto ko pang marating at mga bagay na gustong gawin dahil sa kalagayan ng kanang sakong ko.

Sana gumaling na s'ya agad.... T_T

Ngayon, nag-aaral ako kung paano maglakad ng marahan at iwasan na ang paika-ikang lakad.
Bagamat mahirap, unti-unti. Natututo na kong magbigay ng mahabang pasensya sa mga bagay na hindi magawa ng mabilisan. Na kailangan dumiskarte ako para makaagapay sa mabilis na takbo ng panahon kahit sa mabagal na pagkilos.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento